Agosto 11, 2023 - Cuenca Sub-Office || Sa layuning palakasin ang kalidad ng edukasyon sa bansa, idinaos ang Brigada Eskwela 2023 Kick-Off na may temang "Bayanihan Para sa Matatag na Paaralan" sa Cuenca Sub-Office ngayong araw, ika-11 ng Agosto, 2023. Ipinakita ng mga boluntaryong guro, magulang, at iba pang miyembro ng komunidad ang kanilang pagmamalasakit sa kinabukasan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagtutulungan upang mapanatili ang mga paaralang ligtas, malinis, at magkakaroon ng kaayusan.
Ang Brigada Eskwela ay isang taunang programa ng Kagawaran ng Edukasyon na naglalayong paghandaan at linisin ang mga pasilidad ng mga paaralan bago magbukas ang klase. Ngunit higit pa sa simpleng paglilinis, ipinakita ng taunang pagdiriwang na ito ang diwa ng bayanihan sa pagsusulong ng edukasyon.
Sa pagbubukas ng Brigada Eskwela 2023 Kick-Off, nagkaroon ng pagkakataon ang mga volunteers na makinig sa mga inspirasyonal na talumpati mula sa mga lider ng komunidad at Kagawaran ng Edukasyon, Sangay ng Batangas. Binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat sektor ng lipunan para sa iisang adhikain - ang magbigay ng dekalidad na edukasyon para sa lahat.
Sa loob ng araw na ito, masisilayan ang mga mag-aaral, magulang, at iba't ibang miyembro ng komunidad na nagkakatuwang upang maglinis, mag-ayos, at magtayo ng mga pasilidad. Mula sa pagsusunong ng mga upuan at mesa, pagkukumpuni ng mga silid-aralan, pagpapintura ng mga pader, hanggang sa pagtatanim ng mga halaman sa mga paligid ng paaralan, nagsama-sama ang mga volunteers upang gawing makabuluhan ang bawat hakbangin.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Nicolas A. Burgos, Assistant Schools Division Superintendent, "Ang diwa ng Bayanihan ay nandito na. It really takes a village to educate a child, hindi kaya ni DepEd lamang kaya salamat po sa samasamang tulong na inyong ibinigay, ultimately para sa isang MATATAG na paaralan." Ipinakita niya ang pagkilala sa mahalagang papel ng bawat isa sa pagbuo ng isang masiglang at matagumpay na sistema ng edukasyon.
Isa pang tagapagsalita, si Nadine C. Celindro, Assistant Schools Division Superintendent, ay nagpahayag ng pangarap para sa mga paaralan. Aniya, "Ligtas at maayos na Paaralan sa pagbubukas. Isang Bansang Makabansa, Inklusibo, Determinado, Positibo, Lahat Tayo!" Isa itong paalala na hindi lamang tungkulin ng mga guro na magbigay kaalaman, kundi pati na rin ng mga komunidad na suportahan ang bawat bata sa kanilang pag-unlad.
Kasabay nito, ipinahayag ni Marites A. Ibañez, Schools Division Superintendent, ang paninindigan ng DepEd sa paglikha ng isang bansa na tunay na nagbibigay halaga sa edukasyon ng kabataan. "Sa ngayon po ang atin pong DepEd in particular SDO Batangas Province ay naniniwala sa mantra po o paniwala ng buong Department of Education that we are to create Bansang Makabata, Batang Makabansa."
Ipinakita ng Brigada Eskwela 2023 Kick-Off na hindi lamang ang mga guro at paaralan ang nagbibigay edukasyon sa mga kabataan, kundi buong komunidad. Sa pagtutulungan ng bawat isa, napatunayan ng taunang pagdiriwang na ito na kaya nating magtagumpay sa pagpapalaganap ng edukasyon sa bansa.
Sa huli, layon ng Brigada Eskwela na hindi lamang matiyak ang malinis, ligtas, at child-friendly na kapaligiran sa mga paaralan, kundi pati na rin palakasin ang pundasyon ng edukasyon sa bansa. Sa pagtutulungan ng lahat, mas magiging matatag ang mga paaralan at pangunahing edukasyon para sa kinabukasan ng ating mga k#positibo.
DepEd Tayo Cuenca Sub=Office
#BrigadaEskwela2023 #DepEdBatangas #Inklusibo #Determinado #Positibo
All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2023 Department of Education DIVISION OF BATANGAS
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon
Powered by SLR Information Technology Solutions